Topiko sa usap-usapan sa kapehan kahapon ng hapon, pagod na ang mga mangangape kay Gloria. Sa buong buhay daw nila, ngayon lang sila nadama ang paghihirap. Baka sabihin niyo mayaman ang mag ito. Hindi po. Mga ordinaryong tao ang mga nag-uusap.

Mula sa simula hanggang wakas puro reklamo ang maririnig sa loob ng kapehan. Hanggang sa mapunta ang usapan sa takbo ng buhay ng mga Pilipino noong si Marcos pa ang presidente. Di ko alam na napapaligiran pala ako ng mga taong sumusuporta kay Marcos. Inihahambing ang mga presyo ng bilihin, pagpapatakbo ng pamahalaan, pagnenegosyo at marami pa.

Ayon sa mga mangangape, kahit na magnanakaw si Marcos, kaya niyang patakbuhin ang gobyerno. Alam niya kung saan dadalhin ang bansa. Ika nga ng mga tao sa kapehan, “ok lang magnakaw siya basta siya lang at nananatiling masaya ang bayan”. Dahil hindi ako regular customer ng kapehang yun, di ko makuhang sumagot.

Isa pang dahilan na hindi ako sumagot ay hindi ko naranasan ang actual na buhay noong panahon ni Marcos. Bilang isang musmos na bata at wala pang muwang, di ko nakikita kung ano talaga ang nangyayari sa aking pagligid. Ang nakikita ko lamang noon ay, oo, maganda talaga ang takbo ng aming buhay. Hindi iyong mga kasakiman at karahasan ng aking mundo.

Ilang beses na ba tayong nagpalit ng presidente at umaasang gumanda ang takbo ng buhay ng mga Pilipino? Di tayo natuto sa bawat pagpalit na iyon. Masamang ehemplo yata ang EDSA. Umaasa na lang tayo na kaya natin paalisin ang mga nasa pwesto kung mage-EDSA ulit tayo. Di natin siniseryoso ang tamang paraan ng pagpalit ng mga namamahala. Binabale wala ang election. Ang election ang may pasimuno ng mga problema natin. Hinahayaan nating bilhin ang ating karapatan bumoto.